*Tuguegarao City-* Nakahanda lamang ang buong pwersa ng kasundaluhan upang magsanay sa mga kabaataan para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Program.
Ito ang tiniyak ni Col. Johnson Jemar Aseron, Group Commander ng 2RCDG ARESCOM sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Isa anya ito sa kanilang nakikitang solusyon sa mga State Colleges and Universities (SUC’s) upang hindi makapasok ang mga makakaliwang grupo at hindi malason ng kaisipan ng mga kabataan.
Ang ROTC program umano ay naglalayong imulat ang kaisipan ng mga kabataan na huwag suportahan ang maling gawain, propaganda at karahasan ng mga makakaliwang grupo.
Naniniwala ang nasabing opisyal na magsisilbi itong balakid sa mga rebelde na pasukin ang isang pamantasan o paaralan na mayroong ROTC program.
Sa ilalim din ng ROTC Program, mas lalong maitutuwid ang pag-iisip ng mga kabataan at mahuhubog ang mga ito na maging responsable sa lipunan.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng hukbong sandatahan na maisabatas ang nasabing programa at nakahanda lamang ang kanilang pwersa para sa kanilang bagong tungkulin.