Manila, Philippines – Hindi apektado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa inilabas na memorandum ng Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasabing Philippine Drug Enforcement Unit na lamang ang mangunguna sa pagsasagawa ng mga anti-illegal drugs operation sa bansa.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Marine Col. Edgard Arevalo, noon pa man ay lagi lamang nakaalalay ang AFP para magbigay ng seguridad sa mga tauhan ng drug operating units ng PDEA, PNP at NBI.
Lalo na kung ang kanilang operasyon ay nasa mga lugar na may presensya ng mga organized drug syndicate at ng mga rebelde.
Sa ngayon, handa anumang oras ang AFP na sumama sa mga anti-illegal drugs operation ng PDEA.
Ito ay kung hihingi sa kanila ng tulong ang PDEA para maging back-up sa mga operasyon.