AFP, hiniling na sana’y seryoso ang CPP NPA NDF sa idineklara nilang unilateral ceasefire

Hangad ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sana ay tapat at seryoso ang Communist Party of the Philippines (CPP) – New Peoples Army (NPA) – National Democratic Front (NDF) sa idinekalara nilang unilateral ceasefire.

Ito ay sa harap na rin ng banta ng Coronavirus Disease (COVID-2019).

Ayon kay AFP Civil Relations Chief at Acting Spokesperson Major General Ernesto Torres may mga nakalipas na silang karanasan kung saan kahit nagdeklara ng ceasefire ang CPP NPA NDF ay may pananambang na ginagawa pa rin ng NPA sa tropang pamahalaan at mga sibilyan.


Pero umaasa sila na sa pagkakataong ito ay mas magiging seryoso ang CPPP NPA NDF sa kanilang mga pahayag at buong tapat na susuportahan ang gobyerno sa kontra sa COVID-19.

Sinabi pa ni Torres na ito rin ang panahon na maaring makapagmuni muni ang CPP NPA NDF para sa totoong kapayapaan.

Matatandaang una nang nagdeklara ng Unilateral ceasefire ang Pangulo laban sa CPP NPA NDF para pa rin matutukan ng mga sundalo ang mga operasyon para hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Facebook Comments