Ikukunsidera ng AFP ang rekomendasyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na palawigin ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, may hawak na sariling impormasyon si Esperon na pinagbasehan ng kanyang rekomendasyon, na importante para sa AFP.
Pero, sinabi ni Arevalo na gagawa ng sariling assessment ang militar bago magsumite ng kanilang rekomendasyon sa Pangulo.
Kabilang aniya sa mga pag-aaralan ng militar ay kung ang sitwasyong panseguridad sa lugar ay kwalipikado pa rin sa “constitutional requirements” upang ipairal ang batas militar.
Inihalimbawa ni Arevalo ang Davao City, na may maayos na peace and order situation kaya inirekomenda ni Davao Mayor Sarah Duterte na i-lift na ang martial law sa lugar.
Kaya aniya mahalaga na makuha din ng AFP ang mga rekomendasyon ng mga local chief executives sa Mindanao, dahil hindi lahat ng lugar ay katulad ng sitwasyon sa Davao City.
Kabilang din aniya sa kanilang ikukunsidera ay kung maipapasa ang mga amyenda sa “Human Security Act” na isinusulong ng DND.
Ang martial law sa Mindanao ay iiral nalang ng hanggang December 31, 2019.