Binigyang direktiba ng Department of National Defense (DND) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para paigtingin pa ang kanilang presensya sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay kasunod na rin ng mga na-mo-monitor na aktibidad ng China malapit sa Pag-asa Island.
Ayon kay DND Spokesperson Arsenio Andong, anumang panghihimasok o reclamation activity sa WPS partikular sa Pag-asa Island na bahagi ng Philippine sovereign territory ay isang malinaw na paglabag sa soberenya ng bansa.
Sinabi pa nito na maaari ding makasira ng marine environment ang anumang ilegal na aktibidad na ginagawa ng China sa lugar.
Kasunod nito, umaapela ang DND sa China na sundin at i-respeto ang rules-based international order at iwasang gumawa ng hakbang o anumang aktibidad na magreresulta sa tensyon sa WPS.