Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na inilipat na ang ilan sa kanilang pwersa mula sa Mindanao patungong Samar at Panay upang sugpuin ang mga komunistang grupong New People’s Army o NPA.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino, ang naturang hakbang ay alinsunod ito sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paigtingin pa ang operasyon laban sa NPA makaraang makamit nila ang umano’y tinatawag na strategic victory.
Kaugnay nito ay sinabi naman ni National Security Adviser Eduardo Año, 22 Guerilla Fronts pa ang natitira sa buong bansa mula sa dating 89.
Paliwanag pa ni Año na mahina na umano ang pwersa ng 20 Guerilla Front habang aktibo pa rin ang dalawang grupo na nasa Northern Samar.
Naniniwala si Centino na malinis na mula sa insurgency ang ilang lugar sa Western at Eastern Mindanao kaya’t nagpasya siyang ilipat na ang kanilang pwersa sa Samar at Panay upang doon naman tugisin ang mga rebeldeng NPA.