AFP, itinangging tauhan nila ang naarestong drug suspect sa Quezon City

Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na miyembro nila ang isa sa limang naaresto sa magkasunod na anti-drug operation ng Philippine National Police (PNP) sa lungsod ng Quezon at Maynila kahapon.

Nilinaw ni AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala na ang suspek na si Fidel Samson Jr., alyas Jake na unang iniulat na dating miyembro ng AFP ay dating kadete ng Philippine Military Academy pero na-dismiss sa kanyang ikalawang taon sa academy.

Sinabi pa ni Zagala, hindi rin naging bahagi si Samson ng 1989 coup na iniulat sa ilang news reports.


Si Samson ay kasamang naaresto ng dating miyembro ng Baywalk Bodies na si Katherine de Santos alyas Kat-Kat at isang Victor Ronquillo sa isang buy-bust operation sa La Loma, QC kahapon.

Habang naaresto ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Luza Cuenco at Ferdinand Parado sa Sta. Cruz, Maynila matapos na magtangkang tumakas.

Nakuha sa mga suspek ang 120 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱816,000.

Facebook Comments