Manila, Philippines – Kumpiyansa ang Armed Forces of the Philippines na hindi hahantong sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ang planong pagtatayo ng mga istruktura sa siyam na mga islang sakop ng Kalayaan sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, kung magkakaroon ng maayos na pakikipag-usap sa China ay tiyak na magiging maayos din ang plano ng Pilipinas na magtayo ng mga istruktura sa mga isla na bahagi ng teritoryo ng bansa.
Nilinaw din ni Padilla na bago pa man umpisahan ang planong pagtatayo ng facilities at structures sa West Philippine Sea ay mag-uusap muna ang pamahalaan ng Beijing at Pilipinas para maiwasan ang anumang tensyon.
Panalangin pa aniya ng AFP na hindi na mahirapan ang mga militar na maghatid ng food supplies sa mga sundalong nagbabantay sa teritoryo ng bansa lalo na sa Ayungin Shoal kung saan naroon ang BRP Sierra Madre na siyang ginagawa ngayong outpost ng mga sundalo ng Philippine marines.
Nation