AFP minamadali na ang pagsusumite ng ebidensya sa EU para patunayang ginagamit ng mga front organization ng CPP-NPA sa terorismo ang pondong nagmumula sa kanila

Nakalikom na ng ebidensya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para patunayang tumatanggap ang front organization ng Communist Party of the Philippines – New Peoples Army o CPP-NPA ng pondo mula sa European Union (EU) at ginagamit sa terorismo.

Ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, hinihingi at hinihintay na mismo ng ambassador ng European Union (EU) ang kanilang mga nalikom na ebidensya.

Sa pamamagitan raw nito ay magdedesisyon ang European Union (EU) kung ititigil o itutuloy ang pagtulong o pagbibigay ng pondo sa mga front organization ng CPP-NPA.


Sinabi ni Arevalo maaaring hindi alam ng EU na hindi tinutupad ng mga front organization na ito ang kanilang pangako sa EU kung saan gagamitin ang pondo.

Ilan sa tinukoy na non-governmental organization ni Arevalo na umano’y front organization ng CPP-NPA ay ang Ibon Foundation, Karapatan at Rural Missionaries of the Philippines.

Una nang ibinunyag ni Brig. Gen. Antonio Parlade Jr., ang deputy Armed Forces Chief for Civil Military operations na tumatanggap ng milyon-milyong pondo mula sa Belgium at European Union ang mga front organization ng CPP-NPA na mariin namang pinabulaanan ni CPP-NPA founding chairman Jose Maria Sison.

Facebook Comments