Tiniyak ni Leyte Rep. Elect Ferdinand Martin Romualdez na gagawing top priority ng 18th Congress ang dagdag na budget at pagsusulong ng mga programa para sa mga sundalo.
Ayon kay Romualdez, isa ring adopted honorary member ng PMA-Sambisig class of 1991, ang militar ang nangunguna sa paglaban sa terorismo at mga extremist para mapanatili ang kapayapaan sa bansa kaya marapat lamang na ikunsidera at unahin ng pamahalaan ang pagpapaganda sa buhay ng mga ito.
Isusulong ng kongresista ang pagpapabilis ng paglalabas ng alokasyon para sa 2nd phase ng AFP modernization plan para sa taong 2018-2022 at pagpapalakas ng mga welfare programs para sa mga military personnel at kanilang pamilya.
Sinabi ni Romualdez na personal niyang nakita ang mga pangangailangan ng mga sundalo nang isinama siya ni Pangulong Duterte sa pagbisita sa Camp. Gen. Vicente Lukban sa Catbalogan City, Samar kamakailan.
Nais ding matiyak ni Romualdez na ‘on-track’ ang 2nd phase ng AFP Modernization Plan na nasa P125 Billion ang pondo para sa pagbili ng mga kagamitan para sa external defense missions tulad ng helicopters, fighter aircraft, multi-role fighters, missile at radar system.