AFP modernization, pinamamadali ng senador

Pinamamadali ni Senator JV Ejercito ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kaugnay pa rin ito sa pinakahuling insidente ng pagbangga ng barko ng China sa resupply ship ng Pilipinas na patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Naniniwala si Ejercito na panahon na para madaliin ang AFP modernization.


Aniya, ang AFP na may makabagong kagamitan ay may kakayahan na protektahan at pangalagaan ang kaniyang mamamayan, ang soberenya, maritime interest at seguridad ng mga Pilipino.

Matapos na ipakita ng China ang lantarang pambu-bully at pang-aaway ay hindi lang dapat Pilipinas ang kumukundena rito kundi pati ang international community.

Hindi na aniya ito dapat pinalalagpas dahil hindi lang naman ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginawa ito ng China sa ating bansa.

Facebook Comments