Nag-alay ng bulaklak sa Libingan ng mga Bayani ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng paggunita sa National Heroes Day ngayong araw.
Bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinangunahan ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay ang aktibidad kasama ang iba pang opisyal ng Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Air Force, National Historical Commission at Philippine Veterans Affairs Office.
Pinasalamatan naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang buong hanay ng Hukbong Sandatahan na hindi natitinag sa kanilang trabaho sa kabila ng mga banta at hamon kinahaharap ng bansa.
Magsilbi aniyang paalala ang araw na ito para magkaisa at magtulungan ang mga Pilipino habang nagre-recover ang bansa mula sa epekto ng pandemya gayundin sa banta ng kriminalidad, terorismo at violent extremism.
Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “tunay na kabayanihan sa paglaban at pagbangon”.