Ipinaliwanag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bahagi ng regular na operasyon at kooperasyon ng militar ang paggamit ng C-130 aircraft nito sa pagsundo kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy at 4 na kapwa akusado nito mula Davao patungong Metro Manila noong Linggo makaraang sumuko sa mga awtoridad.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, wala silang direktang impormasyong natanggap kaugnay sa paggamit ng naturang asset ng militar hinggil dito.
Tugon ito ni Padilla makaraang tanungin ng mga kagawad ng media kung utos ba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isakay sina Quiboloy sa C-130 patungong Metro Manila.
Tikom din ang bibig ni Padilla hinggil sa iba pang mga detalye ng partisipasyon ng militar sa pagsuko ni Quiboloy dahil ang Philippine National Police (PNP) ang siyang lead agency dito.
Una nang inihayag ni Padilla na suportado ng Sandatahang Lakas ang lahat ng mga ginagawang hakbang ng Pambansang Pulisya hinggil sa kaso ni Quiboloy, at ito aniya’y magpapatuloy hangga’t kailangan ang kanilang tulong.
Matatandaang napilitang sumuko si Quiboloy at 4 na iba pa makaraang palibutan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Special Action Force (SAF) ang pinagtataguan nilang lugar sa KOJC compound sa pamamagitan narin ng joint operations ng pulisya at militar.