Manila, Philippines – Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines na walang binayaran na ransom para mapalaya ang dalawang Malaysian National na binihag ng Abu Sayyaf ng halos isang taon.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, na-recover ang dalawa sa isinagawang operasyon ng tropa ng Philippine Marines sa Carudong, Sulu Huwebes ng madaling araw.
Ang dalawa ay kabilang sa dinukot na limang malaysians na sakay sa isang tugboat patungo sana sa lahad datu sa Malaysia noong Hulyo 2016.
Paliwanag ni Arevalo, nagpadala sila ng tropa sa kinaroroonan ng bandidong grupo makaraang makakuha sila ng tip.
Pero pagkarating aniya sa lugar ay wala na ang Abu Sayyaf at iniwan na lamang sina Fandy Bin Bakran, 26-anyos at Abdul Rahim Bin Summas, 62.
Matatandaan, humirit ang bandidong grupo ng p100 million kapalit ng kalayaan ng dalawang bihag.
Facebook Comments