Target ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ubusin sa lalong madaling panahon ang mga terorista sa bansa.
Sa budget hearing ng Department of National Defense (DND), nakwestyon ang AFP kung kailan matatapos ang sigalot sa pagitan ng mga terorista.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay, plano nilang tapusin at ubusin ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa katapusan ng taon.
Balak naman na tapusin ng AFP ang problema sa mga local terrorist groups pagsapit ng 2022.
Inamin naman ng Heneral sa pagtatanong ni Deputy Speaker Mujiv Hataman na walong mga dayuhan ang integrated o kasama sa iba’t ibang paksyon ng ASG habang May 29 na dayuhan pa ang nasa kanilang watchlist.
Sa ngayon aniya ay tuloy-tuloy ang kanilang opensiba at nakasentro ang AFP sa pakikipaglaban sa pwersa ng ASG sa Basilan at Sulu.
Pinalalakas din aniya nila ang kanilang maritime security dahil kadalasan ay sa backdoor o karagatan dumadaan ang ilan sa mga ito.