
Nananatiling “unverified” ang mga kumakalat na ulat na may mga sundalong nagbitiw bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, professional, unified at non-partisan institution ang buong hanay ng Sandatahang Lakas.
Ani Padilla, ito’y alinsunod sa kanilang tungkulin na ipagtanggol ang bansa at pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.
Hinimok din ng AFP ang publiko na maging mapanuri at responsable sa pagkuha at pagpapalaganap ng impormasyon, lalo na sa mga isyung maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak.
Kasunod nito, nanawagan ang Sandatahang Lakas sa bawat Pilipino na maging mahinahon at igalang ang batas kung saan dapat mas pagtuunan ng pansin ang pagkakaisa at hayaang umusad ang mga legal na proseso.