AFP, siniseryoso ang babala ng Japan kaugnay sa terrorist threat sa Southeast Asia

Siniseryoso ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang lahat ng natatanggap nilang ulat tungkol sa banta sa seguridad, partikular kung may kinalaman sa terorismo.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala kasunod ng pagpapalabas ng Japan ng babala sa kanilang mga mamamayan na nasa anim na bansa sa Timog- Silangang Asya, kabilang ang Pilipinas na mag-ingat sa posibleng terrorist threat.

Sa abiso ng Japanese Foreign Ministry, pinayuhan ang kanilang mga mamamayan na umiwas sa mga matataong lugar dahil sa panganib mula sa suicide bombing.


Pero ayon kay Zagala, wala silang natatanggap na ulat tungkol sa nasabing banta.

Ang lahat aniya ng mga ulat na may kinalaman sa seguridad ay bina-validate ng militar at sa kasalukuyan ay nasa “moderate” lang ang threat level sa bansa.

Pero siniguro ni Zagala na ang lahat ng mga nasa teritoryo ng Pilipinas, maging Pilipino man o dayuhan, ay pinapangalagaan ng militar laban sa banta ng terorismo.

Facebook Comments