Buo ang suporta ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa anumang magiging operational requirements ng Philippine Coast Guard (PCG) para mapangalagaan ang mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla kasunod nang napaulat na panibagong insidente ng pang-ha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc nitong January 12.
Ayon kay Col. Padilla, tiyak na magkakaroon ng operational adjustments ang militar sa pagpapatrolya sa naturang lugar.
Sa nasabing insidente, pinigilan ng CCG na makaalis ang mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc hangga’t hindi nila naibabalik sa dagat ang mga nakuha nilang shellfish.
Matatandaang una na ring inamin ng PCG na wala silang barko sa lugar nang mangyari ang pang-ha-harass ng China sa mga mangingisdang pinoy.