
Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inisyatibo ng Philippine Coast Guard (PCG) na imbitahan ang mga senior government official at iba pang ahensya ng pamahalaan sa Kalayaan Island Group at iba pang bahagi ng West Philippine Sea.
Sa pulong balitaan na ginanap sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na layon ng hakbang na ito na personal na makita ng mga opisyal ng pamahalaan ang aktuwal na sitwasyon sa kalupaan at karagatang sakop ng West Philippine Sea.
Ayon kay Trinidad, mahalaga ang aktuwal na pagbisita upang mas maunawaan ng mga opisyal ang mga hamon at isyung kinahaharap sa lugar.
Nauna nang sinabi ni Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela na bukas pa rin ang PCG sa imbitasyon para kay Senador Rodante Marcoleta at sa anak nitong si Rep. Paolo Marcoleta na bumisita sa Kalayaan Island Group, sakay ng barko ng Coast Guard o sa pamamagitan ng maritime domain awareness flight.
Ito ay kasunod ng naging mungkahi ni Sen. Marcoleta na isuko na umano ang Kalayaan Island Group dahil sa kawalan umano ng coordinates at dahil aniya’y labas na ito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Samantala, muling nanindigan ang AFP na patuloy nitong poprotektahan ang teritoryo ng bansa na saklaw ng mandato nito, kabilang ang Kalayaan Island Group at iba pang bahaging nasasakupan ng Pilipinas.










