Gumagawa lang ng kung ano-anong kasinungalingan ang mga local police na sangkot sa Jolo shooting incident para makalusot sa kasong kriminal at administratibo.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo kaugnay ng alegasyon na sangkot umano sa droga si Corporal Abdal Asula, ang isa sa apat na sundalong nabaril at napatay ng mga miyembro ng Jolo Philippine National Police (PNP) noong June 29.
Giit ni Arevalo, pawang paninira sa reputasyon ni Asula ang ginagawa ng mga pulis upang maiba ang focus ng imbestigasyon at mawala sa ginawang “senseless killing” sa mga sundalo.
Matatandaang una nang pinagpilitan ng mga pulis na “self defense” ang kanilang ginawang pamamaril sa mga sundalo.
Ito’y sa kabila aniya ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at testimonya ng mga eyewitness na walang “unlawful aggression” o “provocation” na ginawa ang mga sundalo sa mga pulis.
Kahapon sa hearing ng Senado, iprinisinta ni PNP-Bangsamoro Regional Director Pol. Brig. Gen. Manuel Abu ang isang drug matrix kung saan kabilang ang ilang mga kamag-anak ni Asula, na basehan umano ng pagkakasangkot nito sa iligal na droga.