AFP, tiniyak ang kooperasyon matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa anim na mga suspek sa pagkamatay ni Cadet Darwin Dormitorio

Siniguro ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo ang buong kooperasyon ng AFP sa korte kaugnay sa kaso ng pagkamatay ni Cadet Darwin Dormitorio dahil sa hazing sa Philippine Military Academy (PMA).

Ito ay matapos na maglabas ang Regional Trial Court (RTC) ng Baguio City ng arrest warrants laban sa tatlong (3) kadete ng PMA at 3 opisyal ng AFP na unang kinasuhan sa pagkamatay ni Dormitoryo.

Ayon kay Arevalo, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng mga warrant, pero inaabangan na ito ng AFP Judge Advocate General na siyang magbibigay ng rekomendasyon kay AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr. kaugnay sa disposisyon ng mga kadete na subject ng warrant.


Inihayag rin ni Arevalo na anim (6) na kadete ng PMA na nasa kustodiya ng General Headquarters (GHQ) ang humaharap na sa General Court Martial dahil sa paglabag sa “Article of War 97 Conduct Prejudicial to Good Order and Military Discipline.”

Habang ipinauubaya naman ng AFP sa pamunuan ng PMA ang nararapat na hakbang para sa tatlong (3) opisyal ng Fort del Pilar Station Hospital na subject ng arrest warrant.

Matatandaang una nang nakitaan ng probable cause ng Baguio City Prosecutor’s Office ang tatlong kadete na sina PMA 3rd Class Cadets Shalimar Imperial at Felix Lumbag kaya nasampahan ng kasong murder, habang si PMA Cadet Julius Tadena ay nahaharap sa kasong hazing at less serious physical injuries.

Sa panig naman ng mga opisyal ng Fort del Pilar Station Medical Hospital, nakitaan ng probable cause kaya nasampahan din ng kasong murder sina Captain Flor Apple Apostol, Major Ofelia Beloy at Lt. Col. Ceasar Candelaria.

Facebook Comments