AFP, tiniyak na papanagutin ang mga tauhang nagkamali sa paglalabas ng pangalan ng mga UP alumni na napatay at na-recruit ng CPP-NPA

Siniguro ni Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations Maj. Gen. Benedict Arevalo na mananagot ang kanyang mga tauhang nagkamaling naglabas ng listahan ng pangalan ng mga University of the Philippines (UP) alumni na napatay at na-recruit ng CPP-NPA.

Ginawa nila ang pagtiyak matapos lumutang at manawagan ng hustisya ang ilan sa mga nasa listahan na buhay na buhay at hindi naging kasapi ng CPP-NPA.

Ayon kay Arevalo, bilang pinuno ng tanggapan kung saan nagmula ang listahan na ipi-nost sa Facebook, humihingi siya ng paumanhin sa pagkakamali ng kanyang mga tauhan na nangangasiwa ng kanilang social media.


Maliban sa paghingi ng paumanhin sa pamamagitan ng Facebook, nakikipag-ugnayan na rin sila sa kanilang Legal Department para makagawa pa ng hakbang upang mapaabot ang kanilang paumanhin.

Tiniyak ng opisyal na nagpapatuloy ang kanilang internal investigation para matukoy kung paano lumabas ang maling listahan ng mga napatay at mga na-recruit ng CPP-NPA mula sa UP.

Facebook Comments