AFP, umaasang magsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang PNP sa pagkakapatay ng isang sundalo sa Zamboanga del Sur

Zamboanga del Sur – Hindi muna nagkomento ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkakapatay kay Private first Class Rodillo Bartolome sa Aurora Zamboanga del Sur noong nakaraang Miyerkules.

Sa Mindanao hour sa Malacanang ay sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na dapat ay maging mahinahon at maging propesyunal ang mga kasamahan ni Bartolome sa 53rd Infantry Battalion na nakikipagbakbakan sa Marawi City.

Umaasa aniya sila na magkakaroon ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa nasabing insidente.


Matatandaan na pinatay ng mga rumespondeng pulis si Bartolome na nakasibilyan matapos magsumbong ang mga residente na mayroon umanong kahinahinalang lalaki sa kanilang lugar na may nakasukbit na baril.
Noong Mayo pa aniya nakadestino si Bartolome sa Marawi City at humiling lang ng bakasyon para makauwi sa kanyang pamilya nang mabaril ng mga pulis.

Facebook Comments