
Arestado sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang African na sangkot sa panloloko sa isang Hong Kong-based company sa halagang ₱50.6 milyon.
Ayon sa NBI, nag-ugat ang panloloko nang i-divert ng dayuhan ang gold shipment sa Kenya, at kalaunan ay nire-route sa Pilipinas nang walang permiso ng complainant.
Kaugnay nito, napilitan umano ang biktima na pumasok sa ikalawang kasunduan para sa karagdagang 90 kilograms ng gold.
Dito na ipinakilala ang biktima sa isang nagpanggap na Congolese embassy official, at sinabi nito sa kanya na ang buong 100-kilogram consignment ay maling naipadala patungo sa Pilipinas.
Sinundan ito ng paghingi na naman ng mga scammer ng USD 282,800.00 na ipanlalagay umano para sa pag-release ng cargo.
Bunga nito, lumapit ang biktima sa NBI at nakipagkita sa dayuhang suspek para samahan siya sa warehouse upang mailabas ang cargo, kung saan dito na naaresto ang suspek.
Ang African ay nahaharap sa mga kasong syndicated estafa, robbery, paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998, at direct assault dahil sa pananakit nito sa arresting officers.










