*Cauayan City, Isabela-* Pansamantalang ipapasara ngayong umaga ang bahagi ng Africano Street para sa tatlong araw na selebrasyon ng pista ng Brgy. District II ng lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Barangay Captain Paolo ‘Miko’ Eleazar Delmendo, inaprubahan ito ni City Mayor Bernard Dy kung saan layunin ng pagsasara sa naturang lansangan na makita ang lahat ng mga isasagawang aktibidad sa loob ng tatlong araw.
Bilang bahagi ng pista ay magkakaroon ng banchetto partikular sa daan na nasa tapat ng barangay hall hanggang sa tapat ng BFP Cauayan City kung saan ay hindi naman umano ito makakaabala lalo na sa katabing mall.
Ipinagmalaki naman ni kapitan Delmendo na ito ang kauna-unahang pagkakataon na kanilang ipagdiwang ang pista sa lansangan ng brgy District II.
Nakahanay sa aktibidad ng pista ang Biyudaful 2018, live concert ng mga kilalang personalidad sa bansa tulad nina Mike Kosa at DJ Jimmy Nocon at mayroon ding fireworks display at Search for Queen Distrito Dos 2018 o Miss Gay.
Magkakaroon din ng Kabataan Night bukas kung saan tampok dito ang Human Parol Competition na sasalihan ng lahat ng paaralan ng Barangay District II.
Ang tatlong araw na kapistahan ng brgy District II ay dadaluhan ng mga City officials at LGU’s ng Cauayan City hanggang sa December 9, 2018.