Isinusulong ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang pagbuo ng isang hybrid position classification para magbigay daan na maging regular na empleyado ng gobyerno ang mga barangay workers.
Ito ang nakikitang paraan ni Tolentino para makapagbigay agad ng bukod na pondo ang Department of Budget and Management o DBM para sa 41,976 na mga barangay sa buong bansa.
Mungkahi ito ni Tolentino sa isinagawang technical working group meeting kaugnay sa kanyang panukalang Barangay Workers Incentives Act.
Itinatakda ng panukala na kikilalanin bilang mga regular na empleyado ng gobyerno ang mga barangay workers kung saan otomatiko na rin silang magiging miyembro ng Government Service Insurance System o GSIS.
Sa oras na maging miyembro sila ng GSIS ay makakatanggap sila ng life insurance at retirement, disability at separation benefits, bukod sa pagkakaroon ng libreng health benefits sa ilalim ng government medical insurance law.