Friday, February 6, 2026

Agarang pagpapanumbalik sa suplay ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Basyang, tiniyak ng DOE

Puspusan ang gagawing pagkayod ng Department of Energy (DOE) upang maibalik ang supply ng kuryente sa mga lalawigang matinding naapektuhan ng Bagyong Basyang.

Sa abiso kasi na inilabas ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) naapektuhan ang ilang transmission line kabilang dito ang:

Maasin- San Isidro 69kV Line kung saan apektado ang electric company na SOLECO ar DORELCO, kasama na riyan ang Placer-Madrid 69kV Line na apektado naman ang SURNECO, SIARELCO, SURSECO II.

Ayon sa Energy Department, gagawin nila ang restoration efforts at mag-de-deploy ng Task Force Kapatid upang mapabilis ang pagpapanumbalik ng kuryente.

Sa kabila nito, hindi aniya nila maipapangako ang 100% restoration lalo na sa mga lugar na lubhang napinsala o hindi pa ma-access ng mga lineman.

Giniit din ng DOE ang kahalagahan ng buhay ng mga lineman gayong magiging pahirapan ang pagsasaayos ng mga nasirang linya lalo pa’t hindi pa naman nakakalabas ng bansa ang bagyo at nariyan pa rin ang epekto nito.

Facebook Comments