Agarang pagpasa sa Bayanihan 3, inihirit ng DILG kasunod ng banta ng Delta variant

Umaapela si Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing sa pamahalaan na paglaanan ng pondo ang pagdaragdag ng mga contact tracer sa bansa.

Ito ay sa kabila na rin ng banta ng Delta variant.

Sa Laging Handa public press briefing, aminado si Densing na isang mahalaga at kritikal na hakbang para maagapan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 ay ang contact tracing.


Ayon pa kay Densing, mahalaga ring maipasa ng Kongreso ang Bayanihan 3 sapagkat malaking bahagi nito ay para makakuha ng dagdag na contact tracers sa buong bansa.

Sa ngayon, sinabi nito na hinihintay nila ang ilalabas na local budget circular ng Department of Budget and Management (DBM) na magbibigay ng otorisasyon sa mga lokal na pamahalaan na mag-realign ng kanilang local development fund.

Sa halip aniya na gamitin ito sa proyektong pang imprastraktura ngayong taon ay ilaan na muna ito sa COVID-19 response tulad ng pagkuha ng serbisyo ng dagdag pang contact tracing personnel dahil kailangang maagapan ang pagkalat ng Delta variant.

Facebook Comments