Nanawagan si Camarines Sur Representative L-Ray Villafuerte sa mga kasamahang mambabatas para sa agarang pagpasa ng House Bill No. 6059 o panukalang mangangalaga sa kapakanan ng mga hayop.
Ang hirit ni Villafuerte na pagprayoridad na ma-amyendahan ang 26-na taon ng Animal Welfare Act ay kasunod ng nag-viral sa social media na pananakit na ikinasawi ng tatlong taong gulang na Golden Retriever na si Killua sa Camarines Sur.
Binanggit ni Villafuerte na sa ngayon ay nananatiling nakabinbin sa House Committee on Agriculture and Food ang panukalang “The Revised Animal Welfare Act.”
Sa ilalim nito ay lilikhain ang Animal Welfare Bureau (AWB) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) na magkakaroon din ng tanggapan sa bawat rehiyon, probinsya at munisipyo.
Inaatasan ng panukala ang AWB na maglatag ng emergency animal response and rescue system, at magpatupad ng patakaran para sa maayos at makatwirang paraan ng pagpatay sa mga hayop katuwang ang National Meat Inspection Service (NMIS), mga lokal na pamahalaan at iba pang kaukulang ahensya.
Itinatakda rin ng panukala ang pagkakaroon ng mga local government units (LGUs) ng mga programa, pamantayan at regulasyon para sa kapakanan ng mga hayop gayundin ang regular na pag-iinspeksyon sa mga animal facilities.