Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang rollout ng AstraZeneca vaccines na inaasahang darating ngayong gabi sa bansa.
Ito ang inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles matapos ang isinagawang 53rd full Cabinet meeting kagabi sa Malacañang kaugnay sa vaccination rollout ng pamahalaan.
Ayon kay Nograles, personal na sasalubungin ng Pangulong Duterte ang pagdating ng 487,200 doses na COVID-19 vaccine ng AstraZeneca mula sa Covax facility mamayang alas seyte ng gabi.
Sinabi ni Nograles na ikino-konsidera nilang iturok ang AstraZeneca sa mga healthcare worker na senior citizen.
Matapos ang mga medical workers, isusunod ng pamahalaan ang mga senior citizen sa bansa habang hindi pa alam kung kailan babakunahan ang mga opisyal ng gobyerno kabilang na ang gabinete ng pangulo.
Sa ngayon ay nasa 32 na ospital na ang nakapag-rollout ng COVID-19 vaccine kung saan aabot na sa 8,559 medical workers ang naturukan ng unang dose ng Sinovac.