AGARANG PAGTAWAG KAPAG MAY SUNOG, IPINAALALA NG BFP ILAGAN

Cauayan City – Mariing ipinaalala ng pamunuan ng Ilagan City Fire Station ang kahalagahan ng agarang pagtawag sa kinauukulan kapag mayroong insidente ng sunog.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Fire Chief Inspector Franklin Tabingo, City Fire Marshall ng Ilagan CFS, bawat segundo ay mahalaga kapag may nangyayaring sunog kaya’t hindi ito dapat ipagsawalang bahala.

Aniya, hindi maiiwasan na sa ganitong pagkakataon ay may mga indibidwal pa rin na inuuna ang pagkuha ng video sa halip na itawag sa mga awtoridad ang nangyayari.


Isa umano ito sa dahilan kung bakit minsan ay hindi kaagad narerespundihan ng mga miyembro ng pamatay sunog ang insidente dahilan upang mas maging malala ang pinsalang dulot ng sunog.

Paalala rin ni Fire Chief Inspector Tabingo, mahalaga na alamin ang numero ng lahat ng mga awtoridad na maaaring tawagan sakali man na magkaroon ng kahit anong sakuna upang sa ganon ay kaagad silang makahingi ng saklolo.

Facebook Comments