Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Antonio Trillanes IV na mabigyan agad ng psychiatric help o atensyong medikal ang estado ng pag-iisip ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Trillanes, may problema umano sa pag-iisip ang Pangulo kaya ito ay dumaranas na ng meltdown o tila nagwawala na.
Diin ni Trillanes, nakakabahala na apektado na rin ng problema sa pag-iisip ng Pangulo ang kakayahan nito na pamunuan ang bansa.
Tugon ito ni Trillanes sa mga birada sa kanya ng Pangulo at bantang pakikipag-dwelo sa kanya.
Pinayuhan pa ng Pangulo maging ang mga sundalo na hamunin ng barilan si Senator Trillanes sa oras na sila ay i-bully nito.
Bunsod nito ay iminungkahi ni Trillanes sa Presidential Security Group o PSG na ilayo kay Duterte ang baril nito bago nito masaktan ang sarili o ibang tao.