Hiniling ni Manila Representative Benny Abante sa gobyerno ang agarang pag-roll out ng COVID-19 vaccine plan sa oras na maging available na ito sa bansa.
Inirekomenda ni Abante sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) at sa Department of Health (DOH) ang paglalatag ng mga protocols kaugnay sa distribusyon ng bakuna at tukuyin na agad kung aling sektor at lugar ang dapat na iprayoridad sa pagbabakuna.
Ngayon pa lamang aniya ay dapat inuumpisahan na ng pamahalaan ang konsultasyon sa mga medical experts at Local Government Units (LGUs) para malaman kung ano ang uunahin, ilang government health workers ang gagamitin sa programa, pag-tap sa private sector at pag-o-organisa ng mga volunteer doctors.
Dagdag pa ni Abante, mawawalang saysay ang pondong inilaan agad sa COVID-19 vaccine kung wala namang sistema sa maayos na roll-out nito.