Manila, Philippines – Para kay Committee on Constitutional Ammendments and Revision Codes Chairman Senator Francis Kiko Pangilinan, brain dead o agaw-buhay na ang kampanya ng administrasyon para sa Charter change o Cha-cha na naglalayong mapalitan ang porma ng gobyerno patungong Federalism.
Ikinumpara pa ni pangilinan ang Cha-cha proposal sa isang pasyenteng nasa ICU at naka life support na.
Sa kabila nito ay idiniin naman ni Pangilinan, na habang may buhay ay may pag-asa at pwede pang magkaroon ng himala basta’t huwag lamang mamadaliin, pupwersahin at ipipilit ang Cha-cha bago ang 2019 senatorial at local elections.
Naniniwala si Pangilinan na mas mabuting pag-usapan ang Cha-cha pagkatapos ng eleksyon.
Kasabay nito ay pinuna din ni pangilinan ang plano ng malakanyang na maglabas ng jingle para sa Federalism kasunod ng kontrobersyal na I-Pederalismo dance video.
Punto ni Pangilinan, hindi naman parang eleksyon ng mga kandidato ang pagsusulong ng Federalism kaya mas mainam na mailatag ito sa publiko sa pamamagitan ng matalinong talakayan sa pagitan ng mga eksperto at kinatawan mula sa lahat ng sektor.