Age of consent para sa kasong statutory rape, dapat i-akyat sa 16-anyos

Iginiit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na mula sa kasalukuyang 12-anyos ay kailangang iakyat sa 16-anyos ang age of consent para sa kasong statutory rape.

Ibig sabihin, ang makikipagtalik sa edad 16-anyos pababa ay makakasuhan ng statutory rape kahit pa sila ay may relasyon.

Isa ito sa nakikitang solusyon ni Zubiri para maawat ang pagbubuntis ng mga teenager at para maparusahan din ang umaabuso at nagsasamantala sa mga kabataan.


Sa budget hearing ng Senado ay sinuportahan ito ni Commission on Population and Development o POPCOM Executive Ditector Juan Antonio Perez III.

Sa tala ng POPCOM, nasa 40 menor de edad ang nanganganak kada taon at karamihan sa mga ito ay may mga partners na higit na matanda sa kanilang edad.

Dahil maagang nabuntis ay hindi na sila nakakapag-aral at nakakapag-trabaho at ang teenage pregnancy ay nagdudulot din ng ₱33-billion na economic loss.

Binanggit din ng POPCOM na base sa Young Fertility survey nito ay tumaas din ang premarital sex o pagtatalik kahit hindi pa ikinakasal ng mga edad 15 hanggang 19-anyos.

Samantala, sa budget hearing ay inihayag din ng POPCOM na ang pananatili ng nakararami sa bahay dahil sa pandemya ay magbubunga ng mahigit 2-milyong dagdag sa populasyon ng Pilipinas sa susunod na taon.

Facebook Comments