Mahigpit pa ring ipinatutupad ang mga quarantine protocol sa dalawang kalye ng San Juan City matapos itong isailalim ng localized lockdown dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ay ang C. Santos St. Brgy. Balong bato na mayroong pitong (7) kaso ng COVID-19 at J. Eustaquio St. ng Brgy. Progreso na may anim (6) na kaso.
Hinihikayat naman ng San Juan City Local Government Unit (LGU) ang mga residente nito na manatili sa loob ng bahay upang maging ligtas sa banta ng virus at sumunod sa mga health standard na itinakda ng local at national government.
Ayon naman kay Mayor Francis Zamora, bibigyan nila ng tig-apat na food packs ang bawat bahay na nakatira sa naturang mga kalye sa loob ng dalawang linggo o sa loob ng 15 araw na lockdown, kung saan aabot ito hanggang July 22, 2020.
Nakasaad sa Memorandum circular no. 2 ng National Task Force na kapag dalawa o higit ang kaso ng COVID-19 sa isang komonidad, dapat isailalim ito sa kritikal o danger zone.
Maliban sa mga naturang lugar, ang Agora Market sa lungsod ang nanatili pa ring sarado matapos ito magkaroon ng 23 kaso ng COVID-19.