Agriculture insurance para sa mga magsasaka na apektado ng El Niño, pinatitiyak ng isang senador

Ipinasasama ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa gobyerno ang agriculture insurance para sa mga magsasaka para sa plano ng paparating na El Niño.

Kasunod na rin ito ng paghahain ng senador ng Senate Resolution 549 na layong silipin ang kasalukuyang Estado ng Agricultural Insurance Program ng pamahalaan.

Katwiran ni Villanueva, ang mga nasa sektor ng agrikultura ang unang tatamaan kung sakali at dumating ang El Niño kaya’t sila ay dapat maprotektahan.


Sa datos ng Philippine Statistics Authority sa kanilang Labor Force Survey na isinagawa noong Enero 2023, may 10.5 million na manggagawang Pinoy ang nakadepende sa agrikultura o 22.2 percent ng Philippine Labor Force.

Hinimok nito ang Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC na tugunan ang isyu ng mga magsasaka na nahihirapan sa paghahain ng indemnity claims.

Noong 2020 ay mahigit na P94 billion ang halaga ng insurance ang naibigay ng PCIC para sa mahigit tatlong million mga magsasaka at mangingisda.

Facebook Comments