Nasermunan at pinayuhan pa ni Senator Cynthia Villar ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na magbitiw na lang sa pwesto dahil sa hindi pagatupad sa mga programa para sa mga magsasaka.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ay pinagalitan ni Villar si Philippine Coconut Authority (PCA) Administrator Benjamin Madrigal Jr., dahil hindi ipinapatupad ang mga programa para sa mga coconut farmer gayong mayroon namang pondo ang Coconut Levy Funds.
Pero katwiran ni Madrigal, hindi lang siya ang magdedesisyon sa implementasyon ng programa dahil ito ay dumadaan pa sa PCA board at sa Government Commission for Government Owned and Controlled Corporations pero iginiit ni Villar na naghuhugas kamay na lang ang opisyal.
Pinuna rin ni Villar ang paglilipat ng PCA ng pondo sa PhilHealth na aniya’y wala sa batas at ang pagtatanim ng PCA ng hybrid na coconut na sa halip na ibigay sa mga magsasaka ay ibinenta ito ng PCA sa pribadong kumpanya na nagluluwas ng niyog sa Indonesia.
Hinamon din ni Villar na magbitiw sa pwesto si Dr. Dionisio Alvindia na Director ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PHILMEC kaugnay naman sa pagiisyu ng memorandum 35 na nagpapalikha ng isang advisory council na wala umano sa batas.
Sinita naman ni Senator Imee Marcos ang PHILMEC dahil P159 million pa lang ang nagagamit sa P7.6 billion na pondo para sa farm mechanization para sa taong ito.