Mariing itinanggi ni Agriculture Secretary William Dar na mas pinapaboran niya ang pag-aangkat ng agricultural products sa halip na suportahan ang mga local producers sa harap ng pagtaas ng presyo ng baboy.
Ayon kay Dar, palaging pinaprayoridad ng kagawaran ang mga local hog raisers lalo na at marami silang programang nakalaan para sa kanila.
“Hindi totoo ‘yun. Binabalanse natin ‘yung kapakanan… tayo tinutulungan natin, first priority, ang ating mga local hog producers. At alam naman ninyo, andami naming programa diyan. At etong ASF nandiyan pa, so tuloy-tuloy pa ang pagpuksa natin,” sabi ni Dar sa isang interview.
Pagtitiyak ni Dar na patuloy siyang magsisilbi sa ilalim ng kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang ipinatupad na ang price cap sa manok at baboy sa Metro Manila, pero may ilang vendors ang nagkasa ng pork holiday dahil sa malulugi lamang sila sa ipinataw na price ceiling.