Nagsusumikap ang pamahalaan na mailapit pa sa mas maraming tao ang social services bilang bahagi ng pagtulong sa mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic at magbigay ng update para sa iba pang local community projects.
Inilunsad ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Aid and Humanitarian Operations Nationwide (AHON) Convergence Program.
Ang programang ito ay isang interagency initiative na layong ibuhos ang tulong sa mga pinakaapektadong komunidad sa panahon ng kalamidad at sakuna, lalo na ngayong pandemya.
Alinsunod ito sa Executive Order No. 137 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na pinabibilis at pinagtutugma ang lahat ng humanitarian operations ng national government sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Unang inilunsad ang programa sa bayan ng San Benito, Sta. Monica, Burgos, at General Luna sa Surigao del Norte.
Aabot sa ₱1.5 million na halaga ng livelihood grants ang naipaabot sa 109 beneficiaries sa San Benito, ₱1.5 million para sa 148 na benepisyaryo ng Sta. Monica, ₱2.25 million sa 169 beneficiaries.
Nakapagbigay din ang DSWD ng financial assistance na nagkakahalaga ng ₱300,000 sa 100 residente sa Burgos sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ayon kay PCOO Secretary Martin Andanaro na sa pamamagitan ng programa, magkakaroon ng maayos na access ang mga LGUs sa mga programa ng pamahalaan sa panahon ng krisis.
Hinimok naman ni DSWD Assistant Secretary Victor Neri ang mga benepisyaryo na gamitin ng wais ang mga natanggap nilang ayuda at tiniyak na handang tumugon ang pamahalaan sa pangangailangan ng bawat Pilipino.