
Itinampok ng Globe Telecom ang paggamit nito ng artificial intelligence para sa mas matipid na paggamit ng enerhiya sa Mobile World Congress 2026.
Sa gitna ng mabilis na paglawak ng AI sa iba’t ibang industriya, sentro ng talakayan ang tumataas na konsumo sa kuryente at kung paano ito mapapamahalaan ng mga telecommunications company.
Nakipagsanib-puwersa ang Globe sa mga higanteng kumpanya tulad ng Google, Schneider Electric, ARGIA Green, at International Energy Agency upang pag-usapan ang epekto ng AI sa kalikasan.
Ayon kay Globe Chief Sustainability Officer Yoly Crisanto, mahalagang sabayan ng responsableng inobasyon ang pag-usbong ng teknolohiya.
Paliwanag ni Crisanto, ginagamit ng Globe ang AI para i-optimize ang network kabilang ang awtomatikong pagbawas ng konsumo ng kuryente sa mga cell site kapag mababa ang demand.
Aniya, umabot sa 20% hanggang 30% ang natitipid na kuryente ng Globe kada taon dahil sa AI-driven cooling systems at paggamit ng makabagong teknolohiya gaya ng sodium-nickel batteries.
Target din ng kumpanya na itaas sa 42% ang paggamit ng renewable energy pagsapit ng 2030 mula sa 24% noong 2024.










