
Aarangkada na ngayong araw, Oktubre 5, ang Aid Caravan para sa mga biktima ng bagyo sa Masbate at nasalanta ng malakas na lindol sa Cebu.
Sa pangunguna ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Light Rail Transit Authority (LRTA), patuloy ang pagpapadala ng Charitimba packs at iba pang tulong sa mga apektado ng kalamidad.
Ayon sa PCSO, layon nitong maabot ng tulong ang lahat kahit ang pinakamalayong lugar na sinalanta.
Sa ngayon, nasa 18,220 na Charitimba na ang naipamahagi ng PCSO bukod sa 4,041 evacuation kits, 664 na kahon ng gamot, 7,974 na dagdag relief items para sa mahigit P6 million na kabuuang halaga ng donasyon.
May P2.3 million na halag rin ng cash support na nalikom bilang dagdag na tulong.
Sabi ni PCSO Chief of Staff Jeremy Regino, binubuo ng tatlong bus, 11 patient transport vehicle at limang MMDA dump trucks ang bibiyaheng Cebu.
Habang anim na wing vans at isang PTV unit ang maghahatid ng relief goods sa Burias at Ticao Islands na mga pinaka-naapektuhan ng nagdaang bagyo.
Sa joint statement naman nina PCSO General Manager Mel Robles, MMDA Chairman Don Artes at LRTA Administrator Cabrera, iginiit ng mga ito ang pagtatagumpay ng bawat Pilipino sa lahat ng mga hamon sa tulong ng pagbabayanihan.









