Ipinagagamit na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang air assets ng gobyerno para sa repatriation o pagpapa-uwi ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na apektado ng COVID-19 surge sa Hong Kong.
Ito ay matapos makarating sa pangulo ang sitwasyon ng mga OFW na tinanggal sa trabaho matapos tamaan ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar, inatasan ni Pangulong Duterte si Defense Secretary Delfin Lorenzana para pangunahan ang operasyon sa repatriation services ng mga OFW.
Dahil dito ay nakikipag-ugnayan na si Lorenzana sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Konsulado ng bansa sa Hong Kong para sa gagawing deployment ng air asset tulad ng C130 o chartered commercial flights.
Sa ngayon ay umakyat na sa 190 ang bilang ng mga OFW sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19 habang nasa 16 na ang gumaling sa sakit at ang iba naman ay nananatili pa sa isolation facilities.
Sa kabila nito ay tiniyak naman ni Andanar na tinutugunan na ng pamahalaan ang sitwasyon sa pamamagitan ng Philippine Consulate sa Hong Kong na siyang nagbibigay ngayon ng proteksyon sa mga OFW.