Tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng Philippine Air Force (PAF) sa mga nasalanta ng Bagyong Karding.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, kahapon nagsagawa ang S-70i Black Hawk helicopters ng sorties mula Col. Jesus Villamor Air Base hanggang Polillo Island.
Lulan nito ang 24,982 pounds ng relief packs na naglalaman ng mga pagkain, tubig, gamot at mga damit.
Nagdala din ang Bell-205 helicopter kasama ang S-70i helicopter ng 9,696 pounds ng relief goods para sa mga residente ng General Nakar, Quezon.
Samantala, nagsagawa din kahapon ang PAF ng isa pang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) sa San Luiz, Aurora sa pamamagitan ng Huey II Helicopter.
Kasunod nito, tiniyak ng PAF na maghahatid parin sila ng relief efforts sa mga naapektuhan ng bagyo kasabay nang pagtitiyak na nasusunod parin ang kanilang misyon na itaguyod ang national security and development.