Walang CCTV sa kwarto na pinaglalagyan ng CNS/ATM o Communications, Navigation, and Surveillance/ Air Traffic Management System ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inamin ito ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Manuel Tamayo nang mag-request si Senate President Juan Miguel Zubiri ng kopya ng CCTV footage sa loob ng equipment room na pinag-ugatan ng aberya sa NAIA noong Bagong Taon.
Para kay Zubiri, ‘eye opener’ ang natuklasan sa pagdinig ng Senado na wala palang CCTV sa lugar na maituturing na napakaselan o napakasensitibo.
Hindi rin makapaniwala si Zubiri sa butas na ito sa seguridad ng ahensya na isang national security concern.
Maaari sanang makatulong ang CCTV footage sa pag-iimbestiga sa nangyaring aberya sa air traffic system at sa pamamagitan nito ay mas madali sanang matutukoy kung may tao bang nasa paligid ng equipment nang oras na pumalya ito.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Tamayo na nagpapatupad sila ng mahigpit na security protocol pagdating sa CNS/ATM.
Hindi aniya basta-basta makakapasok sa loob ng Air Traffic Management Center (ATMC) building kung walang special ID o susi at 24/7 rin ang seguridad dito.