Pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ang airlines na ang mga dayuhan lamang na pinapayagang makapasok ng Pilipinas at payagang makasakay ng kanilang flights patungong Pilipinas ay ang may mga balidong visa.
Ito ay alinsunod sa pinakahuling resolution ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ayon sa Bureau of Immigration, ang sinumang dayuhan na magtatangkang pumasok sa bansa nang walang balidong visa ay agad na ipade-deport pabalik ng bansa na kanyang pinanggalingan.
Habang ang airline company naman aniya na nagsakay nito ay maaaring pagmultahin at patawan ng sanction.
Nilinaw ng BI na ang mga dayuhan lamang na pinapayagang pumasok ng Pilipinas ay ang may mga valid at existing immigrant, non-immigrant at special visas.
Ang may mga pinanghahawakan naman na Temporary Visitors Visa at Special Resident Retiree’s Visa, kahit ano pa ang pakay sa bansa ay papayagan ding makapasok ng Pilipinas basta’t magpapakita lamang ng entry exemption document mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang mga sakop naman ng Balikbayan Privilege ay exempted sa pagkuha ng entry visas.
Kabilang dito ang mga Balikbayan o mga Filipino, dating Filipino, gayundin ang kanilang dayuhang asawa at mga anak na kasama nilang bibiyahe ay papayagang makapasok ng Pilipinas.