Nagpulong na ang mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay ng gagawing pagbabantay laban sa human trafficking ngayong holiday season.
Ito kasi ang panahon kung saan sinasamantala ng human traffickers ang peak season sa pagpapalipad ng kanilang mga biktima patungo sa abroad.
Kabilang sa nagpulong ang mga tauhan ng Manila International Airport Authority, Bureau of Immigration, Philippine National Police (PNP) at ang airlines.
Kaugnay nito, isinailalim na rin sa pagsasanay ang mga ground staff, security at flight crew kung saan tinuruan sila kung paano mag-spot, mag-profile, at tumulong sa human trafficking victims.
Sa ngayon kasi simula Enero ng taong ito, umaabot na sa 700 human trafficking victims ang nasagip sa mga paliparan.
Umapela rin ang airport authorities sa mga pasahero na ireport sa mga kinauukulan ang mga kahina-hinalang aktibidad sa paliparan.
Pinapayuhan din ng mga awtoridad ang publiko na huwag papatulan ang mga alok na trabaho sa ibayong dagat gamit ang tourist visa.