Ipinagmalaki ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang isang taga-linis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagbalik ng bag na may lamang 7,300 euros o P430,000, Agosto 10.
Sa Facebook post ng MIAA, ipinakilala nila ang airport cleaner na “hindi nagpadala sa temptasyon” na si Sixto O. Brillante, Jr. ng Manila Allied Management Service Cooperative.
“Mr. Brillante could have easily kept the bag and favorably benefitted from what’s inside it, but he chose to surrender it. I admire him for his integrity. Hearing stories like this makes us Filipinos proud,” ani MIAA General Manager Ed Monreal.
Nagma-mop si Brillante sa panlalaking banyo kung saan siya naka-toka, nang may tumawag sa kanyang pasahero na nagturo ng naiwang itim na sling bag.
Agad namang nakipagtulungan si Brillante sa kasamahan niyang naka-toka sa pambabaeng banyo para hanapin ang may-ari ng bag.
Matapos mai-page, dinala nila ang bag sa lost and found section.
Makalipas ang isa’t kalahating oras, naibalik din ang bag sa isang pasaherong Turkish national na tumangging pangalanan.
Sumailalim sa ilang verification process ang Turkish bago tuluyang ibigay sa kanya ang mga kagamitan.
Inuudyok naman ni Monreal ang iba pang manggagawa sa airport na maging tapat sa anumang pagkakataon.
“Doing good should never be an option. It must be a way of life for all of us,” aniya.