Airport Police Headquarters, natakasan ng bilanggo

Humingi ng tulong sa Philippine National Police (PNP) ang Manila International Airport Authority (MIAA) matapos na makatakas ang isang bilanggo sa loob ng detention cell ng Airport Police Headquarters.

Ipinag-utos na rin ni MIAA General Manager Cesar Chiong ang masusing imbestigasyon sa pagpuga ng isang inmate na si Ramie Dela Cruz, 34 anyos at residente ng Taguig.

Nabatid na ipinasok ni Dela Cruz ang ulo nito sa pagitan ng bakal na rehas sa itaas na bahagi ng maliit na kulungan at saka tumalon mula sa mataas na pader sa likod ng APD headquarters.


Sinasabing sinamantala rin ng preso ang pagtakas habang abala sa pagpapalitan ng duty ang dalawang guwardiya at hindi ito napansin.

Ang suspek ay dalawang beses nang naaresto sa NAIA terminal 3 dahil sa pagnanakaw ng mga kawad ng kuryente at pinapasok nito sa hatinggabi ang mga tindahan na sarado at saka pinagnanakawan.

Lumalabas din sa imbestigasyon na alam ni Dela Cruz ang pasikut-sikot sa loob ng NAIA 3 dahil dati itong nagtrabaho sa nasabing airport terminal bilang contractor airconditioner technician.

Dalawang guwardiya at isang APD personnel ang sasampahan ng kaso ng MIAA dahil sa pagpapabaya sa tungkulin.

Facebook Comments