Akala COVID-19 patients ang sakay: Ambulance driver na naghahatid ng health workers, binaril

Facade of Peter Paul Medical Center at Candelaria, Quezon. Image from Google Maps

Isang drayber ng ambulansya sa Candelaria, Quezon ang binaril sa kamay ng isang residente matapos itong mapaghinalaan na naghahatid ng mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19).

Sumisigaw ng hustisya ang pamunuan ng Peter Paul Medical Center of Candelaria Inc. (PPMCCI) para sa kanilang empleyado na itinuturing na breadwinner ng kaniyang pamilya.

Base sa pahayag ng PPMCCI, nilapitan ng suspek ang biktimang kumakain ng hapunan at sinabing hindi dapat siya pumapasok ng subdivision dahil nagsasakay lamang ito ng may COVID-19.


Maayos naman ipinaliwanag ng frontliner na naghahatid lamang siya ng mga health worker sa isang pagamutan at kaagad niyang nililinis ang ambulansya para iwas-sakit.

Hindi raw sumang-ayon ang salarin sa rason ng tsuper kaya binaril na lamang niya ito.

Nagtamo ng matinding sugat sa kamay ang drayber at may posibilidad na hindi na makapagmaneho pa.

Naganap ang kalunos-lunos na insidente pasado alas-8:45 ng gabi noong Miyerkoles sa Maliwanag Subdivision sa Barangay Malabanban Norte.

“He is your frontliner as well. We are appealing to the public to extend their rational understanding and compassion to our health workers. They have responded [to] our country’s need with dedication, bravery, and selflessness,” saad ng PPMCCI.

“We strongly condemns discrimination and harassment of all health workers. Justice shall prevail and shall hold those accountable to the full extent of law.”

Nakipag-ugnayan na raw ang ospital sa Candelaria Police Station kaugnay sa nangyaring pamamaril.

Facebook Comments